BUKOD sa ilalaan ng Armed Forces of the Philippine na augmentation force ay magdedeploy ang Philippine National Police ng may 6,000 pulis para sa gaganaping state of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa darating na Hulyo 24, 2023.
Sinimulan na rin ng pambansang pulisya na magsagawa ng civil disturbance management drills bilang paghahanda sa SONA ni PBBM.
Inaasahang dadagsain ng iba’t ibang militanteng grupo ang Commonwealth Avenue hanggang sa pagligid ng House of Representatives na sasabay sa gagawing ikalawang SONA ng Pangulo.
Sa inisyal preparation, magpapakalat ang PNP ng 5,000 – 6,000 nga pulis sa paligid ng Batasang Pambansa COMPLEX .
Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, bukod pa ito sa mga tauhan na naka-deploy sa ibang lugar para masigurong hindi makompromiso ang seguridad sa buong Metro Manila partikular sa mga tinaguriang high-crime areas.
Ani Fajardo, sa ngayon ay walang na-monitor na seryosong banta sa seguridad sa SONA, pero patuloy ang ginagawang pagpapaigting sa kanilang mga intelligence network.
Nabatid na maging ang AFP ay magtatalaga ng augmentation forces bilang suporta sa PNP sa kanilang Civil Disturbance Management na magmumula sa tatlong major service command at sa AFP General headquarters .
Sinasabing tuloy tuloy ang koordinasyon ng PNP at AFP at House of Representatives kaugnay sa security blanket na kanilang ilalatag.
Nakatakda rin umanong makipag- ugnayan ang mga awtoridad sa mga organizer ng mga pagkilos na lalo na sa mga militanteng hanay na nagbabalak mag-martsa at magprotesta sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Hihilingin nilang sa mga freedom park na lamang isagawa ang kanilang mga pagkilos upang hindi makagambala sa daloy ng trapiko at i-police ang kanilang ranggo, magpatupad na social distancing at manatiling tumutupad sa pinaiiral na health protocols. VERLIN RUIZ