6K TOURIST POLICE IPAKAKALAT NG PNP

NASA 6,000 “tourist-oriented” na pulis ang ikakalat ng Philippine National Police (PNP) sa mga ‘place of convergence’ sa bansa simula sa Huwebes, Disyembre 1.

Ayon kay PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo, ito ay dahil sa inaasahan ng PNP ang mas malaking bilang ng mga tao sa mga pasyalan at pamilihan ngayong nalalapit na ang buwan ng Pasko.

Sinabi ni Fajardo na ang pinaigting na police visibility ay para maramdaman ng mga mamayan na ligtas sila sa kanilang pamamasyal ngayong holiday season.

Aniya, mayroon na rin itinatag na mga police assistance desks sa iba’t ibang transportation hubs at pangunahing daan, kasabay ng dagdag na deployment ng mga pulis sa mga mall, palengke, at tiangge.

Nauna nang inihayag ng PNP na 85 porsiyento ng kanilang puwersa ang gagamitin sa seguridad ngayong Christmas season kaya kanselado ang lahat ng leave ng mga pulis epektibo sa Disyembre 15 hanggang Enero 10 ng susunod na taon.

Maging ang mga pulis na karaniwang naka-assign sa administrative na trabaho ay bibigyan ng patrol duty. EUNICE CELARIO