6TH INT’L RICE CONGRESS

DETERMINADO ang pamahalaan na tiyakin ang paglago ng industriya ng bigas habang pinoprotektahan ang kapakanan ng mga magsasaka at mamimili.

Sa kanyang talumpati sa 6th International Rice Congress sa Pasay City, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na patuloy na gumagawa ng mga hakbang ang gobyerno upang hanapan ng komprehensibo at malawakang solusyon ang mga isyu sa bigas.

Mahalaga nga naman ang pagpapalago ng industriya ng bigas sa bansa.

Sa kabilang banda, importante ring itaguyod ang kapakanan ng mga magsasaka at mamimili.

Nais ng Presidente na maipatupad ang mga hakbang laban sa mga sangkot sa smuggling at hoarding ng bigas at mahigpit na pagpapatupad ng batas para sa ikabubuti ng lahat.

Nanawagan ang Pangulo sa pampubliko at pribadong sektor na magtulungan at makipagtulungan sa International Rice Research Institute (IRRI) at sa iba’t ibang mga samahan para sa isang matatag na industriya ng bigas sa bansa.

Nariyan ang mga hakbang ng gobyerno upang tugunan ang mga suliraning may kinalaman sa presyo at suplay ng bigas na nagmumula sa iba’t ibang salik tulad ng mga kalamidad at ilegal na aktibidad ng mga rice smuggler at hoarder.

Patuloy na isusulong ang modernisasyon ng sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng open dialogue at konsultasyon sa mga magsasaka at mga eksperto sa agrikultura.

Sa kabila ng mga hamon, nangako ang Pangulo na patuloy na magbibigay ng suporta ang pamahalaan sa mga magsasaka sa pamamagitan ng National Rice Program (NRP) at Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF), kasama na ang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA).

Nakikipagtulungan ang gobyerno sa IRR at iba pang dayuhang pamahalaan hindi lamang upang tiyakin ang stable o matatag na suplay ng bigas kundi upang mapabuti ang pagpapaunlad at pagbabahagi ng mahalagang teknolohiya at estratehiya.

Sanib-puwersa rin dapat ang iba’t ibang sektor sa paghahanap ng mga solusyon at mekanismo para sa mas matibay na industriya ng bigas.

Pangunahing isinusulong ng administrasyong Marcos ang pagpapaunlad sa industriya ng agrikultura sa Pilipinas, partikular sa produksiyon ng bigas.

Sa temang “Accelerating Transformation of Rice-Based Food Systems: From Gene to Globe” ng Rice Congress ngayong taon, inaasahang magkakaroon ng positibong transpormasyon sa produksiyon ng bigas sa bansa.

Tunay na mahalaga ang papel ng bawat isa sa pagsulong ng seguridad sa pagkain, hindi lamang sa bansa, kundi sa buong rehiyon at sa buong mundo.