LEYTE- PITO katao na nagtayo ng illegal poultry sa lupaing pag-aari ng pamahalaan ang inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division (NBI-EnCD) sa bayan ng Palompon sa lalawigang ito kamakailan.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 78 na may kaugnayan sa Section 20 ng PD 705 (Revised Forestry Code of the Philippines) ang mga akusadong sina Christian David Calo Madrona, Milven Gonzaga Cardello, Domingo Borinaga Bulahan, Sunny Boy Merced Isidto, Bryan Joseph Maghallanes, Jonathan Cabo Calo at Gina Labor Quimbo.
Ayon sa NBI-EnCD, ang mga akusado ay nagtayo ng poultry na Zachary Farm sa lupain na classified bilang timberland/Forest Land sa Brgy. Lat-osan sa nabanggit na bayan na lumalabas sa beripikasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay walang inisyung permit sa kanino mang tao o entities sa nasabing lupain.
Kaya nitong nakalipas na Linggo ay tinungo ng mga operatiba ng NBI-EnCD katuwang ang DENR personnel ang nasabing lugar saka inaresto ang mga akusado kung saan isinailalim sa inquest proceedings sa Prosecutor’s office dahil sa paglabag sa batas. MHAR BASCO