7 BARANGAY ZERO COVID-19 CASE NA

PITO sa 16 na barangay sa lungsod ng Parañaque ang naitala ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na zero CO­VID case.

Sa natitirang siyam na barangay ay ang Barangay Tambo ang may pinakamataas na bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 na mayroong 11 pasyente.

Hiniling ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng lungsod na huwag magpakakampante dahil sa isang araw lamang ay nakapatala ang CHO ng karagdagang anim na bagong kaso na sa kasalukuyan ay mayroon ng 32 aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Sa kasalukuyan, gumagawa ng paraan ang lokal na pamahalaan para makabawi ang ekonomiya ng lungsod kasabay ng mahigpit na implementasyon ng PDITR (prevent-detect-isolate-treat and reintegration) at patuloy na pagbabakuna sa mga hindi pa bakunadong indibidwal laban sa COVID-19.

Pinayuhan din ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa patuloy na pagsusuot ng face masks at pag-obserba ng physical distancing pati na rin ang pagpapabakuna gayundin ang pagtanggap ng booster shot bilang proteksyon sa nakamamatay na virus. MARIVIC FERNANDEZ