PITONG pulis ng Binangonan-PNP ang nasa hot water.
Ito ay makaraang ipag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Debold Sinas na imbestigahan ang pitong pulis ng Binangonan dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa extortion activities at pakikipagsabwatan sa isang nakakulong na pulis.
Kabilang sa mga sabit sa kaso kasunod ng isinagawang operation ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) si Lt Col. Ferdinand Ancheta, hepe ng Binangonan PNP dahil sa command responsibility.
Kinilala rin ang mga pulis na inutos na isailalim sa pagsisiyasat ay sina PSMS Randy Andanar, PSSG Joel Acosta, PSSG Joe Sevillena, PCPL Allan Alvarez, PCPL Marson Tayaban at PCPL Ew Armenis
Gayundin, inatasan din ni Sinas si PNP-Region 4A (CALABARZON) Regional Police Director Gen. Felipe Natividad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Kasunod ito ng inilunsad na entrapment operation ng PNP-IMEG kung saan sinasabing dawit ang kanyang mga tauhan.
Nabatid na nitong nakalipas na Martes, isang entrapment operation ang inilatag ng PNP-IMEG kung saan naaresto ang dalawang indibidwal na nakilalang sina Albert Domingo alias Joel at Pablo Dolfo pawang civilian assets ng Binangonan Police Station.
Tinukoy ng IMEG na ang naarestong assets ang siyang nasa likod sa pangongotong sa isang Stephen Kellu kapalit nang na-impound na motor vehicle kung saan sangkot umano ang anim na pulis ng Binangonan-PNP.
Nadiskubre rin ni IMEG Director Col. Thomas Frias sa nasabing operasyon na isang person under police custody na nakilalang si Corporal Archieval Perez na nahaharap sa kasong infidelity at walang piyansa na inirekomenda ay wala sa loob ng kulungan at nagsilbing lookout sa nangyaring extortion pay-off gamit ang dalawang cellphone. VERLIN RUIZ
Comments are closed.