DAVOS, Swtizerland—PITONG business tycoon sa Pilipinas ang kasama ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dumadalo sa 2023 Annual Meeting ng World Economic Forum dito.
Kasama sa official delegation ng Pangulo sina Sabin Aboitiz (Aboitiz); Kevin Andrew Tan (Alliance Global); Jaime Zobel de Ayala (Ayala Group), Lance Gokongwei (JG Summit Holdings); Ramon Ang (San Miguel Corp.); Teresita Sy-Coson (SM Investments); at Enrique Razon (International Container Terminal).
Bukod sa mga nabanggit na negosyante, kasama sa delegasyon ng Pangulo ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan at mga miyembro ng economic team.
Dumating dito ang Pangulo at ang kanyang official delegation noong Enero 15 at tatagal ng hanggang Enero 20.
Ang World Economic Forum ay nagtalaga ng Country Strategy Dialogue para sa Pilipinas kung saan pagkakataon ito ng bansa na para maitaguyod ang pagiging lider at driver ng pag-unlad sa Asia-Pacific region.
“One that is open for business – ever ready to complement regional and global expansion plans of both foreign and Philippine-based enterprises anchored on the competent and well-educated Filipino workers, managers and professionals,” pahayag ng Pangulo.
Una nang sinabi ng Pangulo na itutulak niya rito ang ginagawang hakbang ng administrasyon sa question-and-answer event sa WEF.
Sasamantalahin din ng Pangulo ang istratehiyang “pull-aside” o “pull-away” meetings para makausap ang ilang liders na dumadalo sa forum.
Ibibida ng Pangulo sa world leaders at sa mga dayuhang negosyante na maganda ang Pilipinas na paglagakan ng negosyo.
Sa panig ni Kevin Andrew Tan, chief executive officer ng Alliance Global, magandang indikasyon ito na isa ang Pilipinas sa pangunahing destinasyon ng negosyo.
Ayon kay Tan, magandang oportunidad din ito na ipakita na maganda ang Pilipinas at malakas sa turismo, impraestruktura, real estate at ibanpa.
Naipakita rin aniya ng Pangulo sa buong mundo na bukas ang Pilipinas sa pagnenegosyo at partnership sa pribadong sektor.
Sinabi pa ni Tan naipakita rin ng Pangulo na kaibigan ng lahat ng bansa ang Pilipinas, na balanse ang bansa at hindi kailangan na kumpampi sa Western o Eastern countries.
Napaka-strategic kasi aniya ng bansa kung saan nasa sentro ang Pilipinas sa Asya.
Matatandaang mismong si WEF founder at chairman emeritus Klaus Schwab ang nag-imbita kay Pangulong Marcos na dumalo sa pagpupulong nang magkaroon sila ng tsansa ng pag-uusap sa sidelines sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Phnom Pen at Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting sa Bangkok, Thailand noong Nobyembre ng nakaraang taon. EVELYN QUIROZ