BATANGAS-TINATAYANG nasa P21.85 milyon ang halaga ng puslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad habang 33 katao kabilang ang pitong Chinese ang nadakip sa ginawang pagsalakay sa bayan ng Agoncillo sa lalawigang ito.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Custom Commissioner Bienvenido Rubio, nasa mahigit 672 master cases ng smuggled na sigarilyo ang narekober sa mga suspek kasunod ng ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng Philippine National Police, BOC at Bureau of Internal Revenue.
Ang mga Chinese na inabot ng mga operatiba ay kinilala lamang sa kanilang mga alyas na Charlie, Zhou, Huan, Li, Vmo Hai, Xiap at Yao.
Bukod sa kahon-kahong yosi ay nasamsam din ng mga awtoridad ang mga makina at iba pang kagamitan gayundin ang raw materials at isang sasakyan, bukod sa iba pang gamit, na tinatayang nagkakahalaga ng P300 milyon.
Ayon kay Brig. ni Gen. Paul Kenneth Lucas, Calabarzon police director, ang iligal na kalakalan ng mga smuggled na sigarilyo ang nagpapahina sa industriya ng Tobacco at sa mga lehitimong cigarettes manufacturers.
Bukod dito, ninakawan din ang pamahalaan ng malaking kita sa buwis at nagdudulot ng direktang banta sa pang-ekonomiyang kagalingan ng komunidad.
Magugunitang mga may sinalakay na rin ang mga tauhan ng PNP, BOC at BIR na mga gumagawa ng pekeng sigarilyo na gumagamit din ng mga pinekeng BIR seals.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng mga awtoridad ang mga kasong isasampa laban sa mga suspect ukol sa iligal na kalakalan ng sigarilyo.
Kamakailan ay may mahigit P24.6 milyong halaga ng smuggled cigarettes, ang nasabat ng BOC-Port of Zamboanga (BOC-POZ), sa pamamagitan ng Enforcement and Security Service (ESS) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), sa Brgy. Sinunuc, Zamboanga City.
Sa isinagawang imbentaryo ng BOC, napag-alaman na ang sasakyang pandagat ay may dalang 423 master case ng mga sigarilyo ng iba’t ibang brand.
VERLIN RUIZ