7 CHINESE FISHERMEN, KANO NA-RESCUE NG PCG

EASTERN SAMAR- PITONG Chinese fishermen at isang U.S national ang na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa magkahiwalay na rescue mission.

Ayon kay Commodore Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, may 7 Chinese fishermen ang kanilang sinaklolohan mula sa kanilang nasirang sasakyan sa dagat sakop ng Guiuan, Eastern Samar.

Nabatid na nakatangap ng report ang PCG bandang alas-2 kamakalawa ng hapon hinggil sa nasirang fishing vessel.

Ayon sa ulat ni PCG’s spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, kahapon bandang alas-11 ng umaga ay hinatak ng BRP Cabra ng coast guard ang fishing vessel papuntang Tacloban Port.

Hindi pa malinaw kung ilegal na nangingisda ang mga sinagip na mga Chinese sa karagatang sakop ng Pilipinas .

“Kapag distressed call kasi, kahit sino pang merong hindi tayo pagkakaunawaan, pero if it is a distressed call or need for search and rescue, wala tayong pinag-uusapang issue. Tutulungan at tutulungan natin,” ani Balilo.

Kamakalawa, ipinagmamalaki ng China na may isang Pilipinong mangingisda ang kanilang nasagip habang palutang lutang sa dagat nitong nakalipas na Linggo na kanila pang ipinaskil sa kanilang China Embassy FB page.

Ayon kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa kanyang FB post: “I have always said that China and the Philippines are friendly neighbors separated by a strip of water. This inspiring story of our friendship and emergency assistance at sea show how our ties go above and beyond expectations.”

Samantala, sinagip din ng mga tauhan sa PCG ang isang US citizen nang magkaaberya ang sasakyang pandagat nito sa Pacific Ocean, sakop ng Surigao Del Norte matapos na makipag ugnayan ang U.S. Coast Guard Sector-Guam sa PCG-manned Maritime Rescue Coordinating Center-Manila para sa kaukulang tulong.

Sakay ng isang watercraft sa Pacific Ocean, 140 milya ang layo mula sa Daku Island, General Luna, Surigao del Norte, nang masira umano ang propeller ng sasakyang pandagat na “MI AMOR” habang naglalayag ito mula Palau patungo sa Pilipinas.

Agad namang nagpadala si PCG Commandant, Admiral Artemio Abu ng Coast Guard aircraft upang matunton ang lokasyon ng nasirang personal watercraft.

Bagaman naayos ng skipper na si Dan Michaels ang propeller ng nasabing sasakyang pandagat, tumulak pa rin ang BRP Panglao (FPB-2404) at BRP Cabra (MRRV-4409) sa nasabing lugar para sa kinakailangang tulong.

“We assured the U.S. Coast Guard Sector-Guam that we will render appropriate assistance to Mr. Michaels and ensure that he will return home in good physical condition,” pahayag ni Admiral Abu. VERLIN RUIZ