PARAÑAQUE CITY – KASONG kidnapping at serious illegal detention ang isasampa sa pitong Chinese na inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos na kanilang dukutin ang kanilang kababayan.
Kinilala ang mga ito na sina Liu Shenghui, Deng Shuijin, Xiong Jinxiang, Xiong Jongpeng , Xiong Jilong , Cheng Yiguo at ang nagsilbing lider ng grupo na sina Luo Gen Jin .
Ayon kay NBI Spokesperson at Deputy Director Ferdinand Lavin, naaresto ang mga suspek dahil sa reklamo ni Jian Shi Lun na kapatid ng bik-timang si Jian Shi Xin.
Sa reklamo ng complainant, nalaman pa nito sa kanyang kaibigan na kinidnap ang kanyang kapatid sa Okada Manila ng mga hindi nakilalang mga Chinese nationals.
Ayon pa sa NBI, pinayagan ng mga kidnappers na makatawag si Xin sa kanyang kapatid upang makahingi ng ransom money na P200,000.
Ibinigay ng biktima ang lokasyon ng condominium kung saan siya ikinulong at binubugbog upang ipadala ang ransom.
Marso 10 nang palayain ang biktima malapit sa City of dreams sa Parañaque City.
Sa NBI, dito na naisalaysay ng biktima ang tunay ma nangyari kung saan ikinulong siya at sinasaktan pa sa Balagtas Royale Mansions sa Pasay City.
Sa pinagsanib na puwersa ng NBI-Special Action Unit (NBI-SAU), NBI-Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID), at NBI-National Capital Region (NBI-NCR) agad tinungo ng mga operatiba ang nasabing condominium unit at naaresto sina Liu, Deng, Jinxiang, Jonpeng at Jilong.
Wala naman sa unit sina Luo at Chen ngunit nakatanggap ng impormasyon ang NBI na nasa Solaire Resort and Casino, Parañaque ang dalawa kung saan sila naaresto. PAUL ROLDAN