MANILA – INILAGAY na sa kustodiya ng Bureau of Immigration (BI) ang pitong Chinese nationals na nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa paglabag sa mga batas ng imigrasyon ng Pilipinas.
Ang mga suspek na nasa edad 30-45 ay naharang sakay ng M/V Sangko Uno sa pantalan ng Navotas City noong nakaraang linggo.
Kinilala ang mga dayuhan na sina Kang Yinxi, Wei Jiarui, Zhuang Chugen, Guo Yibin, Lin Zongsen, Liu Xinfu at Chen Min na inaresto ng PCG matapos mapag-alamang walang kaukulang dokumento.
Sila ay inilipat sa BI nitong Setyembre 20 para simulan ang proseso ng deportasyon.
Mariing kinondena ni BI Officer-in-Charge Commissioner Joel Anthony Viado ang malinaw na paglabag sa mga batas ng imigrasyon ng bansa at nangakong magiging mas agresibo sa pagpigil ng ilegal na aktibidad ng mga dayuhan.
“This operation sends a strong message: the Philippines is not a playground for illegal aliens. The BI, together with our partners like the Coast Guard, will continue to stand against foreign threats to our sovereignty” ani Viado.
Ibinahagi ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr. na ang mga suspek ay ilegal na nag-o-operate sa loob ng karagatang sakop ng Pilipinas nang walang proper documentation.
“These individuals were attempting to exploit our porous maritime borders. Their illegal activities have been thwarted thanks to the swift action of the PCG” aniya.
Samantala, pinuri ni Viado ang pagbabantay ng PCG sa pagprotekta sa maritime boundaries ng bansa.
“The PCG’s tireless work in patrolling our seas ensures that foreign syndicates do not illegally enter our country” dagdag niya.
Ang pitong inaresto ay inilipat sa pasilidad ng BI sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
RUBEN FUENTES