NAGDULOT ng bahagyang pagbagal ng trapiko sa Edsa ang pagbangga ng isang van at bus sa pitong concrete barrier sa nasabing kalsada kahapon.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), batay sa ulat ng van driver, galing siya ng Cubao, Quezon City patungong Taguig City nang may sumabit sa gulong ng kanyang sasakyan pagbaba niya sa southbound lane ng EDSA-Ortigas flyover.
Nawalan umano siya ng kontrol sa manibela kaya sumalpok ang kanyang van sa mga concrete barrier sa lugar.
Nayupi ang harap ng nasabing sasakyan habang huli na para makapagpreno ang dumating na bus at bumangga rin sa concrete barrier na nawala sa linya sa EDSA busway na naunang sinalpok ng van.
Ayon sa MMDA, kaagad na nagresponde ang kanilang mga tauhan para linisin ang lugar at mawala ang obstruction.
Wala namang naiulat na nasaktan sa mga sakay ng van at ng bus.