TAONG 1950 nang isilang si Regidor Abueg Ragasajo o mas kilala sa tawag na “Daddy Regie”, lehitimong taal na taga-Rosario, Cavite.
Kasabay rin nito ang taon ng pagsilang ng negosyong “Kropek o Chicharon” ng kanyang magulang na sina Camilo Ragasajo at Loreta Abueg.
Dekada nubenta nakilala rin ang produkto na ito sa katawagang “HAP-DOG”, kung bakit ito tinawag na hap-dog ay hindi alam ng kadahilanan, maging ang tunay na may-ari nito.
Sinasabing ang mga bruskong tambay sa kanto ang siyang nagbansag sa produkto na ito na mas kilala ngayon sa pangalang “Kropek”.
Pangatlo sa sampung magkakapatid si Daddy Regie na may apat na anak, walong apo at anim na apo sa tuhod sa kasalukuyan.
Madaling-araw pa lamang ay abala na si Daddy Reggie sa pagsasaayos ng kanyang negosyo.
Bagaman may katandaan na ay malakas pa rin ang kanyang pangangatawan sa pagbubuhat.
Kailangang mainitan at maibilad ng hanggang tatlong araw o higit pa ang ginawang kropek bago ito lutuin.
Mahaba ang proseso bago tuluyang malasahan ang sarap at malutong na kropek.
Sipag at tiyaga ang puhunan ni Daddy Reggie upang ganap na maisakatuparan ang minanang negosyo na may pitong dekada nang bumubulusok sa merkado.
Masarap na pulutan at kung minsan ay ginagawa pang ulam.
Mainit na kanin na hahaluan ng pira-pirasong kropek, sabay subo na ramdam ang malutong na uri nito habang nginunguya.
Ang tinimplahang sukang paumbong na may sili, bawang, sibuyas, at paminta ang siyang ginagawang sawsawan.
Sa tuwing isusubo ang produktong ito na naging kaugalian na ng mga manginginom habang tinitipa ang kuwerdas ng gitara sa saliw ng masayang awitin.
Ang lahat ng ito, buhat sa isang matandang hinubog na ng maraming istorya’t kasaysayan.
Walang yabang sa katawan at simpleng-simple lang ang pamumuhay.
Masaya na si Daddy Regie na makitang kumpleto ang kanyang pamilya at kumakain lang ng sabay-sabay ay sapat na upang maging maligaya.
Malalim na ang pinag-ugatan ng kanilang negosyo. Bagaman malalim ito, posibleng din naman hindi na makita kung ito ay mapapabayaan.
Ang pangarap ni Daddy Regie ay punong-puno ng dedikasyon para sa kanyang mga pangarap. SID SAMANIEGO