CAVITE – REHAS na bakal ang binagsakan ng pitong drug couriers makaraang makumpiskahan ng P190.4K halaga na shabu.
Nadakip ang mga suspek sa isinagawang magkasunod na buy-bust operation ng mga operatiba ng Drug enforcement unit at PDEA 4A sa Brgy. Talaba 2, Bacoor City, Cavite kahapon ng madaling araw.
Isinailalim na sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Aladin “Kokey” Mamaralo y Emtruso, 38-anyos; Mae Escito y Bacarin, 26-anyos; at Richard Reyes y Orya, 26-anyos, pawang nakatira sa Brgy. Talaba 2, Bacoor City, Cavite.
Nasamsam sa mga suspek ang 15 gramo ng shabu na nakalagay sa 12 plastic sachets na may street value na P102, 000.00. Nakumpiska rin ang mark money na ginamit sa anti-drug operation.
Samantala, sumunod na buy-bust operation ay nasakote naman ang iba pang suspek na sina Rene Angue y Taopo, 39-anyos; Jhonnete, Manganti y Apines, 24-anyos; Bernadine Martinez y Ramirez, 29-anyos; at Lorna Jakuya y Rosales, 42-anyos.
Sa police report na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia sa Imus City, nakumpiska sa mga suspek ang 13 gramo ng shabu na may street value na P88,400.00 kung saan nasamsam din ang coin purse na pinagkagyan ng shabu habang narekober naman ang mark money na ginamit sa buy- bust.
Isinailalim na sa drug test ang mga suspek habang pina-chemical analysis naman ang shabu na gagamiting ebidensya sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165. MHAR BASCO