LAGUNA – Pitong hinihinalang mga drug suspek ang nasawi sa Simultaneous Anti-Crime Law Enforcement Operation (SACLEO) ng mga kagawad ng Drug Enforcement Unit sa nakaraang buong magdamag sa lalawigang ito.
Batay sa inisyal na ulat ni Provincial Information Officer (PIO) PCI Jojo Sabeniano, tatlong hindi pa nakikilalang mga drug suspek sa lungsod ng Biñan ang magkakasunod na napatay matapos ang ikinasang buy bust operation ni PSupt. Danilo Mendoza at kanyang mga tauhan na nauwi sa engkuwentro sa Brgy. Canlalay at Brgy. Sto. Niño.
Isa sa mga ito ang napatay sa Bgy. Canlalay habang dalawa naman sa Brgy. Sto. Niño.
Samantala, tatlo naman sa bahagi ng ika-apat na distrito ng lalawigan ang magkakasunod na nasawi.
Isa sa bayan ng Lumban, Cavinti at sa bayan ng Kalayaan.
Narekober ng pulisya ang kalibre 45 baril sa napatay na suspek sa Brgy. Canlalay habang 2 kalibre 38 baril sa dalawa pang napa-tay na suspek sa Brgy. Sto. Niño at hindi pa mabatid na gramo ng shabu.
Narekober naman ng pulisya sa napatay na suspek sa Brgy. Balimbingan sa bayan ng Lumban na si Francisco Padua, alyas “Kid” ang 3 plastic na naglalaman ng shabu at kalibre 38 baril habang sa suspek sa Brgy. Longos sa bayan ng Kalayaan na si alias “Mike” ang kalibre 38 baril at kay alyas “Edwin” sa Brgy. Lumot sa bayan ng Cavinti ang kalibre 38 baril at hindi pa mabatid na gramo ng shabu.
Samantala, kabilang din sa nasawing drug suspect sa Brgy. Landayan sa lungsod ng San Pedro si Rodante Aragao, alyas “Pasay” kung saan narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 3 plastic sachets ng shabu at ginamit nitong kalibre 45 baril. DICK GARAY
Comments are closed.