MULING naglunsad ang convenience store chain 7-Eleven ng “7-Election” presidential survey, para sa halalan sa Mayo.
Mula Marso 9 hanggang Abril 27, maaring magtungo ang mga Pilipino sa alinmang 7-Eleven branches sa bansa para sa ‘di-opisyal na pagboto ng kanilang pipiliing kandidato sa pamamagitan ng pagbili ng 22 oz. GULP o 12 oz. City Cafe drink na may nakalagay na pangalan at larawan ng kanilang presidential candidate of choice.
Mayroong limang tasa na mapagpipilian, batay sa mga nangungunang kandidato sa ngayon: Sen. Panfilo Lacson, dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, Sen. Manny Pacquiao, at Bise Presidente Leni Robredo.
Ang mga wala pa ring napiling kandidato ay malugod na tinatanggap na sumali sa survey, dahil isang “Undecided” na tasa ang nakalaan para sa kanila.
Hindi tulad ng tunay na proseso ng halalan na nangangailangan ng mga rehistradong botante na may edad 18 pataas na bumoto, lahat — anuman ang edad at katayuan ng pagpaparehistro — ay maaaring sumali sa “7-Election” presidential survey.
Tiniyak ng convenience store chain sa mga sasali sa kanilang survey na walang magiging tama o maling pagpili.
“Promise, walang judgement,” sabi nito sa isang post sa official Facebook page nito, na binanggit din na unscientific at unofficial ang kanilang survey.
Para masigurado ang pagiging patas sa kanilang survey, sinabi ng 7-Eleven na lahat ng anim na tasa ay magiging available sa lahat ng mga tindahan nito sa lahat ng oras hanggang Abril 27. Ang isang tasa ay katumbas ng isang boto.
Pagkatapos ay mabibilang ang mga boto, at magkakaroon ng live na tally sa opisyal na website ng halalan ng convenience store chain: www.7-election.com.ph.
Tinatanggap din ang mga umuulit na boto, dahil ang mga inuming iniaalok sa mga tasa ng mga kandidato ay naglalayong panatilihing “cool at gising” ang mga bagay sa gitna ng hype sa halalan.
Ito ang pangatlong beses na ang 7-Eleven ay gumawa ng kanilang hindi opisyal na survey sa pampanguluhan, na nagawa rin nito noong 2010 at 2016 elections.