ORAS, Eastern Samar – Nakatakdang i-turn over ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang pitong katatapos lamang na farm-to-market road projects na nagkakahalaga ng ₱100 milyon sa walong liblib na barangay sa Oras, Silangang Samar matapos ang mahigit isang taong konstruksiyon.
Ininspeksiyon ng mga kinatawan mula sa Project Management Service (PMS) ng DAR ang kalsada bilang paghahanda para sa turnover sa local government unit (LGU). Pinangunahan ni Provincial Agrarian Reform Program Officer Randy Frogosa ang inspeksiyon at pinuri ang kalidad ng mga proyekto na nagdudugtong mula Barangay San Eduardo hanggang Barangay Nadacpan, at tumutuloy sa mga Barangay Saurong, Agsam, Iwayan, Minap-os, Alang-Alang, at Cadi-an.
Ang 3-kilometrong network ng mga kalsada, na pinondohan ng Agrarian Reform Fund (ARF), ay ipinatupad ng LGU ng Oras.
Binanggit ni Frogosa na ang karagdagang “daanan ng mga magsasaka” ay itinayo sa gilid ng kalsada, bagaman hindi ito kasama sa orihinal na plano. Ang mga ito ay inaasahang makatutulong na maiwasan ang pagkasira ng kalsada mula sa pagdaan ng mga mabibigat na makinarya at kagamitan sa pagsasaka.
Bagama’t humanga si Frogosa sa pangkalahatang konstruksiyon, binanggit din ni Frogosa ang ilang maliliit na depekto na kailangang ayusin bago maisagawa ang huling pagbabayad at opisyal na turnover.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Oras Mayor Roy Ador sa DAR sa pagtitiwala at pagkakataon na ipatupad ang isang malaking proyekto. Sinabi niya na ang mga bagong kalsada ay magpapahusay hindi lamang sa pang-ekonomiyang aktibidad ng bayan kundi pati na rin sa kapayapaan at kaayusan nito, lalo’t ang mga kalsadang ito ay dumadaan sa mga barangay na sakop ng inisyatiba ng End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).
“Pinalakas ng proyektong ito ang aming kakayahan na magpatupad ng mga katulad na proyekto sa hinaharap.
Malaking tulong ang mga kalsadang ito sa mahigit 10,000 residente, lalo na sa mas madaling pagpunta sa mga pamilihan at serbisyo,” ani Ador.
Ang katuparan ng mga proyektong ito ay resulta ng inisyatiba ni House Minority Leader at 4Ps Party-List Representative Marcelino Libanan, na nagsulong ng proyekto upang tugunan ang matagal nang problema sa transportasyon sa lugar.
Sa sandaling mailipat ang kalsada ay inaasahang magpapalakas ito sa lokal na akitibidad sa ekonomiya, magpapadali ng pagpunta sa mga pangunahing serbisyo, at magtitiyak ng mas mabilis at ligtas na paglalakbay para sa mga residente at agrarian reform beneficiaries sa rehiyon.