PITONG foreign companies na may mga negosyo sa China ang inilipat na ang kanilang operasyon sa Filipinas, ayon kay Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo.
Ipinarehistro ng nasabing mga kompanya ang kanilang mga proyekto sa investment promotion agencies (IPAs) na naka-attach sa Department of Trade and Industry (DTI), Board of Investments (BOI), at sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) mula 2018 hanggang Pebrero 2020.
Sinabi ni Rodolfo, na siya ring managing head ng BOI, na ang kanilang investments ay umabot sa PHP1.6 billion.
Ang Dutch company Head Group ang may pinakamalaking investments na nagkakahalaga ng PHP1.12 billion para sa manufacturing ng tennis balls.
Limang kompanya ang nagmula sa Taiwan na may pinagsama-samang investments na PHP444.63 million. Ang kanilang mga proyekto ay may kinalaman sa paggawa at pag-export ng marine accessories, internet accessories, parts and equipment, audio appliances, health products at luggage.
Nag-invest ang American firm Ever Win International Corp. ng PHP21.4 million para sa manufacturing ng consumer electronics.
Sinabi ni Rodolfo na ang Filipinas ay nagsisilbing complementary host country para sa investments ng mga kompanya na may operasyon sa China, partikular sa manufacturing industry.
Maraming multinational companies na may mga negosyo sa China ang nais ilipat ang kanilang investments sa labas ng East Asian country.
Idinagdag pa ng trade official na ang naturang mga kompanya ay naglalayasan na sa China bago pa man ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic dahil sa trade tension sa pagitan ng China at ng United States. (PNA)
Comments are closed.