BATAAN – NAKAIWAS sa kapahamakan ang pitong mountaineers nang mailigtas ang mga ito ng Bataan Province rescue team makaraang ma-stranded sa Mt. Mariveles, noong Linggo bunsod ng tuloy-tuloy na malalakas na pag-ulan.
Sa ulat ng Mariveles Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, na-rescue na ng kanilang mga tauhan ang mga hiker at matapos na matiyak na nasa maayos na kalusugan ay pinauwi na rin ang mga ito.
Ayon kay Pilar Mayor Charlie Pizarro, umakyat sa bundok ang 5 lalaki at 2 babae noong Linggo ng umaga subalit dahil sa malakas na ulan ay hindi na sila nakababa.
Bago tuluyang mawalan ng signal ang kanilang mga dalang cellular phone ay nakahingi ng saklolo ang mga biktima sa Mariveles-PNP.
Agad na naglunsad ng rescue operations ang Bataan Police, Metro Bataan Development Authority, militar, at mga barangay malapit sa bundok at nasagip ang 7 hikers noong Linggo ng gabi.
Matapos ang isang oras na paghahanap ay natunton sila ng mga tauhan ng Philippine Army at mga kasapi ng rescue team. VERLIN RUIZ
Comments are closed.