LAGUNA -SUMUKO kahapon sa tanggapan ng matataas na opisyal ng Calabarzon PNP ang pitong hitmen ng NPA na responsable umano sa mga kaguluhan , pagpatay at panununog ng mga heavy equipment sa iba’ t- ibang lugar sa Quezon at Batangas.
Ayon sa pahayag ng tanggapan ni BGeneral Antonio Yarra, Calabarzon police director na ang pitong sumurender ang may pakana umano sa mga pagpaslang sa ilang personalidad sa lalawigan ng Quezon at Batangas kung saan ilan sa mga biktima ay wala pang resulta ang imbestigasyon.
Sa pitong sumuko ayon pa sa opisyal , lima sa mga ito ay miyembro ng samahan ng mga mangingisda ( SAMMA) na regular na sumasama sa mga rally ng mga aktibistang kabataan at mga organisasyon sa hanay ng mga KMU at PAMALAKAYA.
Sinabi ng isa sa mga sumuko na nagagamit din umano sila ng ilang grupo na direktang tumututol sa mga programma ng pamahalaan at nakikilahok din umano sila sa ilang nagdaang destabilisasyon para pataubin ang nagdaang administrasyon.
Partikular na pinasalamatan ni Yarra ang mga opisyal at miyembro ng Region 4A police mobile force sa patuloy na panghihikayat sa mga kapatid na naligaw ng landas ang kaisipang- moral at naniwala sa dogma ng mga makakaliwang organisasyon.
Binigyan naman ng tanggapan ni Yarra ang pitong rebel returnees ng atensyong medikal, pinansiyal at kabuhayan package bilang panimula sa ginagawang pagbabagong buhay ng mga ito.
Ang pito ay sasailalim pa rin ng ilang seminar tungkol sa livelihood program na inilalaan ng pamahalaan sa sinumang gustong magbalik- loob sa gobyerno. ARMAN CAMBE