7 HVIs NALAMBAT SA P3.4-M SHABU

NALAMBAT ang pitong high value individuals (HVIs) sa isinagawang anti-illegal drug operation ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU-SPD) Sabado ng gabi sa Taguig.

Kinilala ni SPD director Brig. Gen. Jimili L. Macaraeg ang mga suspek na sina Abdul Wahid Solaiman a.k.a Wahid, 41-anyos, tricycle driver; Bong Pagayao Mangelen, 35-anyos; Benji Guianadal Maitum, 27-anyos, taxi driver; Badrudin Talusan Dalgan, 41-anyos; Fahad Salik Solaiman,18-anyos, tricycle driver; Noel Emad Kalim, 50-anyos, security guard at Buhari Komatig Malaguit, 35-anyos, tricycle driver.

Base sa isinumiteng report kay Macaraeg, kumagat sa ikinasang buy-bust operation ng DDEU dakong alas-8:30 ng gabi sa Sitio Imelda Street, Barangay Upper Bicutan, Taguig City na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakumpiska ng ₱3.4 milyong halaga ng shabu.

Bukod sa DDEU-SPD, kabilang din sa pagsagawa ng buy-bust operation ang mga miyembro ng District Intelligence Division (DID) at ang District Mobile Force Battalion (DMFB-SPD) na armado ng Certificate of Coordination mula sa PDEA na may control No. 10001-062022-0513.

Sa nabanggit na operasyon ay nakarekober ang mga operatiba ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng shabu na tumitimbang ng mahigit-kumulang 500 gramo na nagkakahalaga ng P3.4 milyon, ₱1000 buy-bust money na inilagay sa ibabaw ng 40 pirasong ₱1000 boodle money, 1 pulang pouch, 1 iba’t-ibang kulay na pouch, sling bag, 1 digital weighing scale at 1 kulay pulang Nissan Urvan na may plate number na 2095.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng DDEU habang inihahanda ang pagdodokumento sa pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Art II of RA 9165 sa Taguig City prosecutor’s office.

Ang narekober na shabu sa mga suspects na gagamitin bilang ebidensya laban sa kanila ay nai-turnover na sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa chemical analysis. MARIVIC FERNANDEZ