PARAÑAQUE CITY -PITO katao na umaawat lamang sa isang kaguluhan ang sugatan makaraang pagsasaksakin ng tatlong nagwawalang lasing na kalalakihan kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Kinilala ni Sr. Supt. Rogelio T. Rosales, hepe ng Parañaque City police, ang mga sugatang biktima na sina Maricris Saludar, 36; Agapito Saludar, 34; Noel Calipay; Michael Calendario; Ramil Calipay; Mike Buscay at Manny De Leon, pawang mga residente ng CRC Petchayan, Brgy. Moonwalk, Parañaque City.
Ang mga biktima ay isinugod sa Ospital ng Parañaque at Las Piñas District Hospital upang malapatan ng lunas ang kanilang mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Mabilis namang inaresto ng mga rumespondeng barangay tanod ang mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya na sina Judy Boy Pon-An, 18; Joel Alartino, 53, at Gideon Unilongo.
Ayon kay Rosales, nangyari ang insidente dakong alas-10:30 kamakalawa ng gabi sa harap ng tindahan ng pamilya Saludar na matatagpuan sa CRC Petcha-yan, Brgy. Moonwalk, Parañaque City.
Lumalabas sa imbestigasyon na lasing ang mga suspek at nagwawala ang mga ito sa harapan ng tindahan ni Saludar at naghahamon ng away sa bawat taong dumadaan sa lugar.
Armado ng tari ng manok si Unilongo at nang awatin ng mga biktima ay inundayan ang mga ito ng saksak na naging dahilan ng kanilang mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang naalertuhan ang mga barangay tanod sa insidente na rumesponde sa lugar at dinakip ang mga lasing na suspek samantalang isinugod naman sa mga nabanggit na opsital ang mga biktima.
Patong-patong na kaso ang kinahaharap ng tatlong suspek na ngayon ay kasalukuyang nakakulong sa detention cell ng Parañaque City police. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.