MASBATE-PITONG mangingisda ang nasagip ng grupo ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang tumaob ang kanilang bangka sa Jintotolo Island sa lalawigang ito.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, umabot din ng mahigit dalawang oras bago nasagip ang mga biktima sa isinagawang rescue operation.
Sa pahayag ng PCG, napag-alaman na nakatakdang pumunta sa Estancia, IloIlo ang mga mangingisda nang makasagupa ng kanilang bangka ang malalakas na alon at hangin.
Lumitaw sa isinagawang pagsisiyasat na ang distressed boat, naki-pagsapalaran ang mga mangingisda subalit dahilan sa bagyong Egay, nagpasiya silang pansamantalang sumilong sa Jintotolo Island sa loob ng limang araw.
Napag-alaman pa na ang mga mangingisda ay wala rin umanong dalang mga life jacket.
Nabatid pa na bago naganap ang insidente, habang nasa gitna ng karagatan ay nasira ang outrigger at pana ng fishing boat dulot ng malakas na hangin at malalaking alon na naging dahilan ng paglubog ng kanilang fishing boat.
EVELYN GARCIA