(7 MILF todas sa police ops) DOJ, NBI PAPASOK SA IMBESTIGASYON

MAGUINDANAO DEL SUR-MAGSASAGAWA ng hiwalay na imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) sa ikinasang police operation sa lalawigang ito na ikinasawi ng 7 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong Hunyo 18.

Ito ay matapos na ipaalam nina dating Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. at Special Assistant to the President Secretary Anton Lagdameo Jr. sa kanilang pagbisita sa kampo na naipaabot na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang request ng pinuno ng MILF para magsagawa ng hiwalay, independent at impartial investigation sa naturang operasyon.

Kaugnay nito, iminungkahi ni Galvez sa liderato ng pulisya at militar na gumawa ng official reports at ipadala ito kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao chief Minister Ahod Balawag Ebrahim.

Inirekomenda naman ng mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority na ibalik ang International Monitoring Team na binubuo ng mga dayuhang peacekeepers para matiyak na maipatupad ang ceasefire agreement.

Depensa naman ni BGen. Allan Nobleza, BARMM police director na lehitimo ang kanilang naging operasyon at dumipensa lamang sila ng magpaputok ng baril ang isa sa gunmen laban sa mga law enforcers sa kasagsagan ng search warrant operation sa Barangay Madidis, Datu Paglas, Maguindanao del Sur.

Ayon naman sa grupo ng MILF, sinabi ng mga ito na dapat na makipag-coordinate pa rin ang puwersa ng pamahalaan bago magsagawa ng operasyon sa mga komunidad ng MILF upang maiwasan ang unnecessary firefights o labanan salig sa GPH-MILF 1997 general Agreement.
EVELYN GARCIA