Isang lalaki sa Bicol naispatan ng video na nakayakap sa puno upang mailigtas sa rumaragasang baha dulot ng Bagyong Kristine!
PITO katao na ang inulat na nasawi habang isa ang nawawala bunsod ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa maraming lugar sa hilaga at katimugang bahagi ng Luzon kahapon.
Ayon sa Police Regional Office (PRO) 5, may tatlong reported death habang anim pa ang sugatan sa pananalasa ng bagyong ‘Kristine’ sa Bicol Region.
Subalit sa situational report na inilabas ng PRO 5, ang mga nasawi ay patuloy pa ring biniberipika ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC).
Kabi-kabila ang naiulat na pagbaha sa maraming lugar sa Bicol Region sanhi ng malalakas na bagsak ng ulan dala ng papalapit na bagyong “Kristine” dahilan para libu-libong katao ang inilikas sa mga lalawigan ng Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte at ilang bahagi ng Masbate.
“We sent police rescue teams but they struggled to enter some areas because the flooding was high and the current was so strong,” ayon kay regional police spokeswoman Lt. Col Maria Luisa Calubaquib.
Sa ulat ng Office of Civil Defense-V sa pangunguna ni regional director Claudio Yucot, umaabot naman sa 67,733 indibidwal ang patuloy na nasa evacuation centers habang nasa 303 barangays naman mula sa pitong lalawigan sa Bicol Region ang patuloy pa rin sa pagbaha hanggang sa kasalukuyan.
Nasa 20 lugar naman sa Bicol Region ang nagtala ng landslide kung saan pinakamarami ang Albay na mayroong 10 lugar, 4 sa Sorsogon, 3 sa Camarines sur, 2 sa Camarines Norte at 1 sa Catanduanes.
Nagpatupad rin ng evacuation sa may mahigit 1-libong residente sa mga lugar malapit sa Mt. Mayon makaraang magpalabas ng advisory ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa malaking peligro ng pagragasa ng lahar dahil saturated na ng tubig ang katawan ng bulkan.
VERLIN RUIZ