7 NALAMBAT SA BUY BUST

ARESTADO ang pito katao, kabilang ang tatlong babae matapos makuhanan ng higit P87K halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief Col. Albert Barot, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Lt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa P. Concepcion Brgy., Tugatog.

Timbog sa operation si Randolph Villacorta alyas “Andong”, 34-anyos, (Pusher/Listed); Mary Jane Legaspi alyas “Jeng’, 34-anyos at Airene Ignacio, 32-anyos, matapos magsabwatan sa bentahan ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na umakto bilang poseur-buyer.

Aabot sa 10 gramo ng shabu na may standard drug price P68,000 ang nakumpiska sa mga suspek, kasama ng marked money.

Nauna rito, naaresto din sa buy-bust operation sa Pampano St., Brgy. Longos dakong alas-3:30 ng hapon sina Baby Rose Camilon alyas “Mia”,30-anyos, (User/Listed); Crisanto Sy, 51-anyos; Carlito Tuazon, 45- anyos at Benjamin Bacolod, 50-anyos.

Nasamsam sa kanila ang humigi’t-kumulang 2.89 gramo ng shabu na may standard drug price P19,652 at P300 buy bust money.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang pitong naarestong suspek. VICK TANES