PITO katao ang pinaniniwalaang nasawi habang isa ang nakaligtas matapos na matabunan ang kanilang bunkhouse kasunod ng naganap na pagguho ng lupa sa Mount Manhupaw sa bayan ng Santiago, Agusan del Norte.
Kinilala ang mga pinangangambahang natabunan ng landslide na sina Rene Gan-ungunlligan, Ramil Iligan, Casiano Iligan, Tata Salasay, Rex Pening, Jay-i Matanog, at isang alyas Gang-gang.
Nakaligtas sa trahedya ang 29-anyos na si Allan Daging isa sa mga minero na natutulog umano sa natabunang bunkhouse.
Ayon sa ulat, bunsod ng patuloy na nararanasang pag-ulan kaya naganap ang landslide noong Linggo ng gabi.
Sa salaysay ni Daging, alas-8 ng gabi noong Linggo nang makarinig ito ng malakas na kalabog habang natutulog sila sa bunk-house.
Sa impormasyon ng Caraga Regional Police Office, isang Jasmin Iligan, may asawa, businesswoman, at residente ng Brgy. Hinapuyan, Carmen, Surigao del Sur ang nagtungo sa Santiago MPS at nag-report na natabunan ng lupa ang kanyang asawa at mga kasamahang treasure hunter.
Tiniyak ng Provincial Environment and Natural Resources Office ng Agusan Del Norte na iimbestigahan nila ang landslide at inatasan ang City Environment and Natural Resources Office ng Tubay na ipatigil ang pagmimina sa lugar. VERLIN RUIZ
Comments are closed.