HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pitong overseas Filipi-no workers (OFW) na walang mga kaukulang dokumento nang magtangkang lumabas ng bansa bilang mga turista.
Sinabi ni BI Port Operations Acting Chief, Grifton Medina, na ang mga pasaherong OFW ay pinigil na makalabas ng bansa sa magkakahiwalay na lugar sa NAIA Terminal 2 at 3 matapos na umaming hindi sila turista kundi magtatrabaho sana sa ibang bansa.
“They were not allowed to leave after they admitted under questioning that they are not tourists but are actually going abroad to work,” ayon kay Medina.
Nagpaalala si Medina sa mga OFW na nagpapanggap na mga turista upang makalabas ng bansa dahil “there is very little chance you will not be caught by our vigilant immigration officers at the airports.”
Sa isinumiteng report ni Travel Control and Enforcememt Unit (TCEU) Head, Ma. Timotea C. Barizo kay BI Commissioner Jaime Morente na ang dalawang pasahero ay nasabat sa NAIA 2 noong Setyembre 14 na papaalis na patungong Hongkong.
Ang kanilang pagkakaaresto ay dahil kasama nila ang isang babae na nasa alert list ng kagawaran na umano’y siya ang nag-asikaso sa kanilang papeles.
Noong Setyembre 15, apat din na manggagawa patungong Malta ang nasabat sa NAIA 2 departure area dahil sa kaduda-duda nilang mga dokumento kung saan idinahilan nila na dadalo lamang sa isang symposium.
Noong Setyembre 17 naman, isang Filipina rin ang nasabat patungong Istanbul, Turkey dahil sa pekeng overseas employment certificate.
Ang mga nasabat ay nasa kustodiya na ng NAIA Task Force Against Trafficking in Person (NAIATFAT). PAUL ROLDAN
Comments are closed.