PITONG miyembro ng isang grupo ng scammers na nanloloko ng mga naghahanap ng trabaho sa online ang nasakote ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Crime Group (PNP-ACG) nitong Martes.
Kinilala ni ACG chief Brig. Gen. Joel Doria ang mga inarestong suspek na sina Kimberly Santillan, 43-anyos; Rosalie Verceles, 53-anyos; Lailani Bregoli, 25-anyos; Mary Jane Cuevas, 24-anyos; Zenaida Navarro, 47-anyos; Mary Jane Reyes, 46-anyos at Simone Louise Austria, 21-anyos.
Base sa report ng ACG, nadakip ang mga suspek sa isinagawang operasyon sa isang gusali sa kahabaan ng EDSA corner Taft Avenue, Barangay 146 sa Pasay City kamakalawa ng hapon.
Sinabi ni Doria na gumawa ng pekeng Facebook page ng isang lehitimong employment agency ang mga suspek kung saan ikinalat nila ito sa iba’t-ibang chat groups na nag-aalok ng trabaho para makapanloko ng tao.
Ayon naman kay Maj. Franklin Lacana, team leader ng Southern District Anti-Cybercrime Team (SDACT), ang mga biktima na nag-inquire tungkol sa alok na trabaho ay pinapunta ng mga suspek sa kanilang opisina para sa isang interview ngunit pinagbabawalang makipag-usap kanino man gayundin ang paggamit ng cellphone.
Dagdag pa ni Lacana, ang mga aplikante ay binigyang ng application form at pinagbabayad ng P300 bilang processing fee at P1,300 naman para sa isasagawang medical.
“We continuously remind everyone to be vigilant and cynical with regards to advertisements you see posted online or thru other social media where anyone can pretend to be somebody or some agency they are truly not,” ani Doria.
Ang mga suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng SDACT para sa kanilang booking procedures ay nahaharap sa kasong identity theft, swindling/estafa, at paglabag sa Republic Act 10175 (Cybercrime Prevention Act). MARIVIC FERNANDEZ