PAMPANGA- AGAD na dinisarmahan ang pitong kagawad ng Pampanga PNP matapos silang arestuhin ng mga kabaro nila mula sa sa Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), sa Angeles City ng nasabing lalawigan.
Sa ulat ng PNP-IMEG, dinakip ng kanilang mga operatiba ang hepe, dalawang imbestigador at 4 intelligence operatives ng Angeles City Police Station 2 nitong nakalipas na linggo.
Mabilis ang naging kautusan na sibakin sa kanilang mga puwesto ang 7 pulis ng Angeles City PNP dahil sa umano’y sumbong na ilegal na mga pag-aresto at pangingikil.
Matapos ang isinagawang validation hinggil sa reklamo ay dinakip ang mga pulis sa loob mismo ng kanilang himpilan .
Nakatanggap ang PNP-IMEG ng impormasyon na may mga inaaresto at ikinukulong sa naturang police station at hinihingan pa umano ng pera ng mga tauhan nito.
Sa random inspection ng IMEG at iba pang yunit ng PNP, napag-alamang may 14 indibiduwal sa Angeles City Police Station 2 na nakakulong pa rin sa ngayon kahit walang kasong isinampa laban sa kanila.
“Bakit mo aarestuhin ang isang tao tapos hindi mo sasampahan ng kaso? Nakadetain lang doon eh anong inaantay nila? Areglo! At walang mai-explain kung bakit walang mai-file na kaso,” ani BGen. Warren De Leon, direktor ng PNP-IMEG.
Bunsod ng nadiskubreng modus ng ilang pulis ay ipinag utos na magsasagawa ng mga inspeksyon ang PNP-IMER sa lahat ng custodial facility upang maiwasang maulit ang nangyari sa Angeles City.
Hinala ng IMEG posibleng hindi lamang sa Angeles City nagaganap ang nasabing modus.
Kasalukuyang nasa PNP National Headquarters ang 7 naarestong pulis at mahaharap sa reklamong arbitrary detention at unlawful arrest. VERLIN RUIZ/THONY ARCENAL