(7 patay, 2 kritikal, 2 nawawala) PINSALA NG M6.8 LINDOL MALAWAK

KINUKUMPIRMA pa ng Office of Civil Defense ang ulat na may pito katao ang nasawi, 2 ang nawawala at may 2 malubhang nasugatan kasunod ng Magnitude 6.8 earthquake na yumanig sa Southern Mindanao kamakalawa ng hapon.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) Director Edgardo Posadas, ang nasabing bilang ay kasalukuyan biniberipika kung saan tinutukoy na may isang nasawi sa Jose Abad Santos sa Davao Occidental, isa sa Malapatan at dalawa sa Glan na kapwa nasa lalawigan ng Sarangani at may tatlo rin na reported death sa General Santos City.

“Mayroon tayong reported missing, dalawa ; Mayroon tayong reported injuries, pero initial report pa lang, dalawa. Mayroong naitala na 450 indibidwal that required medical care,” pahayag ni Posadas.

“May babaeng nagtatrabaho sa parlor na hindi nakalabas agad. Namatay… tapos mag-asawa na parang natumbahan ng pader sa isang compound,” sa ibinahaging report ni General Santos Mayor Lorelie Geronimo-Pacquiao.

“Ni-raise natin ang ating alert kahapon to Blue. Ibig sabihin niyan… mas maigting ang pagbabantay natin physically lalo na ang particular services, lalo na sa uniformed services, sa PNP, Coast Guard, at Bureau of Fire Protection,” dagdag pa ni Posadas.

Kung kaya’t nakaalerto ng 24-hour duty ang lahat ng tauhan ng NDRRMC at nakahanda na ang lahat ng hospitals at health facilities sa pagtugon sa emergencies at paglapat ng lunas ang casualties.

Iutos din ng NDRRMC na kailangan nakahanda ang ipamamahaging gamot at medical supplies sa affected areas.
Kahapon ay muling nagpulong ang NDRRMC response cluster sa buong bansa para sa kanilang tuloy tuloy na assessment.

Nabatid na kaliwa’t kanang pinsala ang naitala sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 6.8 na lindol sa Sarangani, Davao Occidental bunsod ng paggalaw ng Cotabato Trench.

Ayon sa Phivolcs, bukod sa mga nasirang shopping mall, mga nagbagsakang kisame at display ay may mga nawasak ding mga bahay.

Sinabi ni Marie Doria ng Don Marcelino ng Davao Occidental MDRRMO, isang bahay sa Barangay

Kinanga ang totally damage habang 14 na bahay naman ang partially damage sa Barangay Lawa.
Gayundin may dalawang government facility rin ang bahagyang napinsala.

Sa Matina, Davao City, bumagsak ang isang crane at mga debris mula sa tuktok ng ginagawang condominium building.

Halos buong SOCCSKSARGEN naman ang nawalan ng suplay ng kuryente kasunod ng pagtama ng lindol.

Isang classroom sa isang eskwelahan sa Barangay Apopong sa General Santos City ang umano’y nahati.

Samantala, apektado ng landslide ang kalsada sa boundary ng Glan at Malapatan sa Sarangani kung saan nagbagsakan ang malalaking bato.

Ayon kay Sarangani PDRRMO Head Rene Punzalan, nasa 50 estudyante ng Alabel National High School ang nasaktan at hinimatay dahil sa panic.

Ilang mag-aaral din sa Koronadal ang dinala sa ospital matapos mawalan ng malay dahil sa stampede habang inilikas naman ang ilang pasyente ng South Cotabato Provincial Hospital dahil sa takot na gumuho ang gusali.

Ilang empleyado naman ng Mall of Ace Centerpoint ang nadaganan ng nagbagsakang gamit habang bumigay rin ang kisame ng Gaisano Mall. VERLIN RUIZ

MGA AHENSIYA
NG GOBYERNO
INALERTO
INALERTO kahapon ni Secretary of the Interior and Local Government Atty Benhur Abalos Jr., ang lahat ng kinauukulang mga ahensya sa ilalim ng DILG para magsagawa at maghatid ng mga kinakailangang tulong sa mga kababayan naapektuhan ng nangyaring magnitude 6.8 earthquake sa malaking bahagi ng Davao Region kamakalawa.

Kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., inatasan ni Abalos partikular ang Bureau of Fire Protection na magpadala ng mga tauhan para ma-assess ang mga pinsala sa mga gusali at iba pang imprastraktura at ang medical teams para tulungan ang mga nasaktan dahil sa lindol.

Nabatid na nagdeploy ng 292 fire trucks, 17 ambulansiya at 9 na rescue trucks at halos 1,800 na emergency personnel ang kagawaran na handang magbigay ng tulong anumang oras sa mga biktima.

Kasabay nito, tiniyak ng kalihim na nakatutok ang local chief executives at pulisya para siguruhin ang kaligtasan at alalayan ang mga apektado ng lindol.

“Nananawagan din ako sa mga apektadong residente na patuloy na mag-ingat lalo na sa inaasahang mga aftershocks at sumunod sa abiso ng kanilang mga lokal na opisyal,” ani Abalos.
VERLIN RUIZ