7 PATAY, 6 SUGATAN SA PNP OPERATION

MAGUINDANAO-WALO katao ang nasawi habang anim na iba pa ang nasugatan kabilang ang isang police sa isinagawang joint law enforcement operation kamakalawa ng madaling araw sa bayan ng Rajah Buayan sa lalawigang ito.

Sa inisyal na ulat na natanggap ni PNP Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Director Brig. Gen. Arthur Cabalona, isang joint law enforcement operation ang ikinasa bandang alas-4 ng madaling araw sa Barangay Mileb na nauwi sa engkuwentro.

Ayon kay Cabalona, magsisilbi ng warrant of arrest ang pinagsanib na puwersa ng CIDG-BAR, Regional Mobile Force Battalion (RMFB-14) katuwang ang Philippine Army laban kina Turkey Utto Latip at Katindig Mustapha.

Nabatid na may kasong frustrated murder si Latip samantalang robbery with homicide naman ang kinahaharap ni Mustapha.

Subalit bago pa tuluyang maisagawa ang paghahain ng warrant ay pinaputukan na ang mga awtoridad ng grupo ng dalawa na nagresulta sa may isang oras na sagupaan.

Kabilang sa pitong napatay sina Turkey Utto Latip, at Katindig Mustapha at lima nilang kasamahan habang isang pulis naman ang sugatan.

Narekober sa mga napatay ang 10 ibat-ibang uri ng baril kabilang ang dalawang .50-caliber Barrett sniper rifles habang nadakip naman ang limang hinihinalang kasapi sa lawless element group. VERLIN RUIZ