7 PULIS NA ‘KIDNAPPER’ KALABOSO

JAILED

TAGUIG CITY – PITONG miyembro ng Las Piñas City police na sangkot sa kasong kidnap for ransom ang inaresto ng mga operatiba ng NCRPO-RSOU matapos na isilbi sa mga ito ang isang warrant of arrest.

Iprenisinta kahapon ni NCRPO chief Guillermo Eleazar ang mga suspect na sina PSSgt. Joel Lupig;  P/Cpl. Vener Gunalao; P/Cpl. Jayson Arellano; Pat. Jeffrey De Leon;  Pat. Mark Jefferson Fulgencio; Pat. Raymart Gomez at Pat. Erickson Rivera, ng mga dating nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Piñas City Police.

Ayon kay Eleazar dakong 5:15 kamakalawa ng hapon ay isinilbi ng operatiba ng NCRPO, RSOU ang warrant of arrest na inisyu ni Acting Presiding Judge Jose Lorenzo R. Dela Rosa, ng  4th Judicial Region, Branch 134, Tagaytay City laban sa pitong pulis habang ang mga ito ay nasa Regional Headquarters Support Unit (RHSU) NCRPO, Camp Bagong Diwa, Brgy. Bicutan, Taguig City.

Pahayag ni Eleazar matatandaan na noong Nobyembre 21, 2018 ay  inireklamo ang mga naturang pulis sa kasong kidnap for ransom matapos umanong dukutin ng mga ito ang drug suspect na si Cyrus Wency Lugutan at hingan ng pera ang kapatid nitong babae na si Shelane para sa kalayaan nito.

Base sa record ng NCRPO, ang mga nabanggit na pulis ay gumamit ng isang menor de edad na batang lalaki upang siyang kumuha sa pamilya ng kanilang hinihinging pera para sa kalayaan ng drug suspect.

Subalit ang nasabing menor de edad na inutusan ng mga nasabing pulis ay nadakip naman sa ikinasang entrapment operation.

Ayon kay Eleazar, ang mga naturang pulis ay sumuko nitong Miyerkoles (Marso 6) at sinilbihan sila ng warrant of arrest dahil sa kasong kidnap for ransom.  MARIVIC FERNANDEZ