PITONG pulis na mayroong arrest warrants dahil sa kasong murder ang sumuko sa Philippine National Police (PNP) Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG).
Kinilala ang mga ito ni IMEG director Brigadier General Warren de Leon na sina SSgt Quill Carame Bay-an, Chief Master Sergeants Joseph Chumawar Jr. at Israel Culangan Lucob; Captains Justin Dumaguing Anogue, Guilbert Asuncion at Orlando Rosales at MSgt Dante Baloran na pawang sumuko sa magkakaibang petsa nitong Pebrero 8 hanggang 13.
Si Bay-an na sumuko sa La Trinidad, Benguet ay Awol (absence without official leave) personnel habang ang iba ay active members ng PNP.
Sina Asuncion, Rosales at Baloran ay naka-assign sa Special Action Force (SAF).
Ang arrest warrant laban sa pitong pulis ay inilabas ng Regional Trial Court, Branch 174 sa San Mateo, Rizal para sa two counts of murder na walang inirekomendang piyansa.
Nag-ugat ang kaso ng pito pulis nang makaengkuwentro nito ang mga tauhan ng Rapid Deployment Battalion, SAF at umano’y miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Lagyo, Barangay Puray, Rodriguez, Rizal noong 2010 na naging sanhi ng pagkamatay ng umano’y dalawang rebelde.
EUNICE CELARIO