7 PULIS SA NCRPO TARGET NG IMBESTIGASYON

TAHASANG sinabi kahapon ni PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Brig Gen. Jose Melencio Nartatez Jr na umabot na sa pitong pulis ang imbestigahan.

Sa ginanap na flag raising ceremony sa Camp Bagong Diwa, Taguig, sinabi ni Nartatez na bukod sa limang pulis Maynila ay may dalawa pang mababawas sa hanay ng NCRPO.

Nauna nang sinampahan na ng kaso ang limang naturang pulis na patuloy pa rin na tinutugis kaugnay sa kasong robbery extortion.

Ang nasabing kaso laban sa limang pulis ay dahil sa ginawa pagsalakay sa isang computer shop sa Sampaloc na kanilang ninakawan at tinakot para hinihingan pa ng linguhang payola.

Kasabay nito, ayon kay Nartatez, mayroon pang isang pulis NCR na sangkot sa isang gulo sa Las Piñas at isang naka-leave na pulis ang may reklamong robbery sa Dagupan.

“Nabawasan po ng pito, but we will not stop cleansing our ranks kasi po yan ang nagpapa pangit ng imahe ng philippine national police. And of course we are trying to, yung magandang serbisyo sa ating community,” ani Nartatez.

“I’m wondering why these 7 bad eggs ay gagawa pa ng ganung mga shenanigans. The patrolman’s gross pay today is how much, close to P38,000 gross,” dagdag pa nito.

Binigyang diin ni Nartatez na hindi niya maisip kung bakit kailangan pang masangkot ng mga pulis sa katiwalian gayong sapat na ang suweldo ng mga ito.

Dahil dito, ipinahinto na nito ang suweldo at benepisyo ng mga pulis na pinasasampahan na ng kaso.

“Make sure to get the report and cut pay and allowances na ngayon. Nagbigay na ako ng instruction perhaps nagawa na ngayon. R1 and R7, ensure that administrative charges, kailangan papunta na sa atin,” anang heneral.
VERLIN RUIZ