PITO sa bawat sampung Pilipino ang pabor sa planong pagbabalik ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) para sa mga kabataang nasa 18-anyos pataas .
Base sa ginawang pag-aaral ng OCTA Research nasa 68% ng mga Pilipino ang sumasang-ayon sa plano na ibalik ang mandatoryong ROTC.
Sa “Tugon ng Masa Survey” na isinagawa mula Oktubre 23 hanggang 27, nasa 1,200 adults respondents sa iba’t ibang lugar sa bansa ang natanong hinggil sa isyu.
Pinakamarami o nasa 75% porsiyento ng mga Pilipino na pumabor ay mula sa Mindanao habang pinakamababa naman sa Metro Manila.
Nasa 82% naman ng mga Pilipino kabilang sa socio-economic class ABC ay pabor din sa nasabing plano habang nasa 31% ng mga Pilipino na kabilang sa socio-economi class D ay hindi naman pabor sa mandatory ROTC. Napag-alaman na nasa 28% din ang tutol sa naturang plano.
Matatandaan na ang mandatory ROTC sa mga kalalakihang nasa kolehiyo ay binuwag noong 2002 kasunod ng pagkakapasa ng Republic Act 9163 o ang National Service Training Program (NSTP) Act of 2001.
Ang ROTC na isa sa components ng NSTP ay naging optional at boluntaryo para sa mga college student sa ilalim ng naturang batas. VERLIN RUIZ