7 SENIORS, 1 MENOR PATAY SA FLASHFLOOD

RIZAL- WALO katao ang namatay makaraang suruin ng malakas na agos ng tubig ilog ang jeep na kanilang sinasakyan sa Tanay sa lalawigang ito.

Kinilala ng Rizal Provincial Police Office (PPO) ang pitong senior citizens at isang menor na nasawi na sina Teresita Quinto, Maylard Keith Fernandez, Leonida Doroteo, Salvacion Delgado, Carmen dela Cruz, Esmena Doroteo, Avelino Buera at Teodora Buera.

Samantala, sugatan at ginagamot sa ospital ang asawa umano ng jeepney driver na sinakyan ng mga biktima.

Ayon sa Tanay Rizal Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) chief Norberto Francisco Matienzo Jr., galing sa town proper ang jeep at may lulan na 25 pasahero nang maganap ang aksidente dakong alas-8:15 kamakalawa ng gabi.

Base sa isinagawang imbestigasyon, ang jeep umano ay tumatawid sa isa sa 15 ilog sa Tanay nang ito ay mabalahaw sa malalim na bahagi na pangalawa bago ang huling ilog at makakadaong na sa kanilang barangay na uuwian .

Ang nangyari, habang nagpapabatak sila sa isang kapwa jeep ay biglang nagka- flash flood at ang binabatak na jeep ay tumagilid na naging sanhi ng pagkasawi ng walo katao.

Kasalukuyang nasa covered court pa rin ng Barangay Sta. Ines, Tanay, Rizal ang mga na-recover na bangkay.

Nabatid na bago naganap ang akisidente ay nagtungo sa bayan ang mga nasawing senior citizen para humingi ng tulong pinansyal sa gobyerno o bumili ng mga personal na gamit ngunit ito ang masaklap na nangyari kasama ang isang 5-anyos na bata. ELMA MORALES