NASAKOTE ng National Bureau of Investigation – Cybercrime Division (NBI-CCD) ang pitong indibidwal sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Quezon City dahil sa pagbebenta ng Gcash accounts.
Kinilala ang mga suspek na sina Archival VillebaTan alyas Archie Yan, Prospero Delosa Enriquez, John Rick Yutrago Dalagan, Raymond Elnar Samper, Christian Dela Cruz Alicando, Ronnek Dela Cruz Ramirez at Ronald Loregas Cuevas.
Nasa ilalim umano ang mga Facebook Account na “Archie Tan” at “Prince” ang sangkot sa trafficking ng mga GCash Account na ibinebenta sa iba’t ibang indibidwal para sa mga ipinagbabawal na aktibidad, kabilang ang online fraud.
Agad na itinatag ng NBI-CCD ang komunikasyon sa dalawang suspek sa pamamagitan ng FB Messenger.
Nakapag-order ang mga undercover agent ng limang Gcash Account na may P500,000 na limitasyon para sa halagang P1,500 bawat account mula kay Tan at pitong GCash Account na may limitasyon na P500,000 para sa halagang P3,500 mula sa suspek na si Dalagan.
Nagkasundo ang undercover agent at suspek na si Tan na magkita sa fastfood chain sa East Avenue, Quezon City para sa delivery ng inorder na Gcash Accounts at bayad habang si Dalagan ay pumayag na makipagkita sa fastfood chain sa Litex Fairview, Quezon City.
Nitong Enero 17 ng gabi ay nadakip ng mga operatiba ng NBI-CCD sina Tan at Enriquez sa akto at bandang alas-9 ng gabi naaresto naman ng mga operatiba sina Dalagan, Samper, Alicando, Ramirez, at Cuevas.
Iniharap ang mga suspek sa inquest proceedings sa Office of the City Prosecutor, Quezon City para sa paglabag sa Access Devices Regulation Act of 1998, Cybercrime Prevention Act of 2012 at SIM Registration Act of 2012. EVELYN GARCIA