7 TULAK TIKLO SA BUY BUST

KULUNGAN ang binagsakan nang pitong hinihinalang drug personalities matapos maaresto sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa report ni SMS Fortunato Candido kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisenchristena Jr., dakong alas-2:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni LT Joel Madregalejo ng buy bust operation sa No. 1169 Sta Monica St., Ugong na nagresulta sa pagkakaaresto kina Aldrin Pablo alyas “Ade”, 29-anyos; Julius Alaan alyas “Tata”, 43-anyos; Mario Luis Buncio III alyas “Baba”,31-anyos at Lorens Rey Silvaña, 24-anyos.

Nakumpiska sa kanila ang tinatayang nasa 10 gramo ng shabu na may standard drug price P68,000, P500 marked money, P900 cash, at dalawang cellphone.

Nauna rito, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang madakip din ng kabilang team ng SDEU sa buy bust operation sa Galas St., Brgy. Bignay si Gemar Senillo, 29-anyos at nakumpiska sa kanya ang nasa 7 gramo ng shabu na may standard drug price P47,600.00, P500 buy bust money, P150 cash, cellphone at coin purse.

At sa Brgy. Marulas, natimbog din ng isa pang team ng SDEU sina John Loteriña alyas “Jan-Jan”, 47-anyos at Ruby Loteriña, 36-anyos matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang police poseur-buyer sa buy bust operation sa F. Bautista St., dakong alas12:05 ng hating gabi.

Narekober sa mga suspek ang nasa 5 gramo ng shabu na tinatayang nasa P34,000 ang halaga, buy bust money, coin purse at cellphone.

Nahaharap ang naarestong mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA