70% PINOYS AYAW NA SA BAKUNA

Bakuna

‘Vaccine confidence’ kayang ibalik ng patas na bidding

BAGSAK na ang kumpiyansa ng mga Filipino sa bakuna at sa kasalukuyan ay nangunguna na ang Filipinas sa anti-vaccine countries sa buong mundo.

Malaki ang naging epekto sa bansa ng bangungot sa bakuna noong 2018 na nagbunsod ng muling paglaganap ng mga dati nang naagapang sakit at pagbabalik ng mga dating nalunasan ng karamdaman, ayon sa global vaccine expert na si Dr. Lulu Bravo.

Ayon kay Dr. Bravo, kritikal na maibalik ang tiwala ng publiko sa bakuna, laluna sa sakit na pulmonya na nananatiling pinakamalaking banta sa mga batang 5 taong gulang pababa. Ang Filipinas, aniya, ay kabilang sa 15 bansa na nangunguna pagdating sa bilang ng mga namamatay dahil sa pulmonya. Ang top 15 na bansang nabanggit ang siya ring responsable sa 75% ng pangkalahatang istadistika ng pneumonia deaths sa buong mundo.

“Sa nagdaang taon, napakarami nating outbreak. Noong 2018, nagsimula nang mawala ang vaccine confidence sa Fi­lipinas. Ngayon, number one na tayong anti-vaccine country sa buong mundo. At nakalulungkot dahil ang vaccine confidence na 93% noong 2015 ay bumagsak sa 30% nitong 2018,” dagdag pa niya.

May nakikita namang solusyon para rito si Tom Syquia, dating Executive Director ng Procurement Service ng Philippine Government Electronic Procurement System (PS-PhilGEPS).

Ayon kay Syquia, dapat umayon sa tamang proseso sa simula pa lamang ng procurement o pagbili ng bakuna ng pamahalaan.

Ang competitive bidding, aniya, ay susi para maibalik ang kumpiyansa sa bakuna.

“Ang public bidding ay pinakamainam na proseso sa procurement dahil anumang uri ng kompetisyon ay makapagbibigay ng pinakamagandang presyo bukod sa nagiging transparent ang buong proseso,” ani Syquia.

Napag-alamang ang budget para sa pneumonia vaccines ay tumataginting na P4.9 bilyon na nakalaan para sa Pneumococcal Conjugate Vaccines (PCVs). Ito ay bakuna kontra sa aInvasive Pneumococcal Diseases (IPDs), ang pinaka­matinding sanhi ng kamatayan ng mga batang Filipino na edad 5 pababa.  Ang nasabing budget ay higit na malaki kaysa sa inilaang budget noon para sa anti-dengue vaccine.

Sa kasalukuyan, dalawang bakuna ang pinag-aaralan ng pamahalaan, ang PCV 10 at PCV 13, na ayon sa global vaccine experts ay magkatulad ng bisa.

Noong Pebrero 2019, iginiit ng World Health Organization (WHO) ang nauna nilang posisyon na magkatulad ang bisa ng dalawang bakuna at wala umanong sapat na ebidensiyang magpapatunay na mas mahusay ang isang bakuna laban sa isa pa pagdating sa overall disease burden.

“Sinabi na ng WHO na walang ipinagkaiba ang dalawang bakuna. Marami sa mga developing countries ay PCV 10 na ang ginagamit,” dagdag pa ni Dr. Bravo.

Ang Pan-American Health Organization (PAHO) ay nagsabi rin na batay sa kanilang pag-aaral, walang ‘superiority’ sa pagitan ng PCV 10 at PCV 13 at magkatulad lamang ng epekto. Sa PCV product assessment naman ng International Vaccine Access Center (IVAC), sinabi nilang wala ring ebidensiyang magpapakitang may karagdagang benepisyo ang alinman sa dalawang bakuna, kapag ikinumpara.

Binigyang-diin ni Syquia na ang competitive bidding process ay dapat na sabayan ng masusing pag-aaral at rekomendasyon ng lehitimong health experts.

Subalit sinabi ni Syquia na kahit pa transparent ang procurement, may panganib pa rin sa paraan ng implementasyon.  Anumang bid na ilalabas ng gobyerno ay kinakailangan aniyang may listahan ng specifications kung anuman ang dapat bilhin. Posible umanong ang specifications na ito ay ma-‘tailor fit’ pabor sa isang supplier na nagiging dahilan upang maitsa-puwera ang iba pang suppliers at nagkakaproblema sa pagpapanatili ng integridad ng kontrata.

Comments are closed.