700 UNITS NG DRONE IPAMAMAHAGI PARA KONTRAHIN ANG PANANAMBANG

ALBAYALDE-DRONE

CAMP CRAME – MAMIMIGAY ang Philippine National Police (PNP) ng nasa 700 mga units ng drone sa mga PNP regional mobile group sa buong bansa.

Ito ay dahil na rin sa magkakasunod na pananambang sa mga pulis ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) habang nagsasagawa ng operasyon.

Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Alba­yalde, mala­king tulong sa surveillance operation ng regional mobile group ng PNP ang pagkakaroon ng drone.

Sa katunayan, ­aniya, kapag may drone mag­dadalawang-isip ang mga kalaban na umatake.

Kaya kahit hindi naman standard issue ang kawalan ng drone ay ­oobligahin na nila ang mga pulis na nagsasagawa ng operasyon sa mga kritikal na area na gumamit ng drone.

Bukod sa pangontra sa ambush o pananambang ay gagamitin din ang mga biniling drone sa mga rally at internal security operation.

Sinabi naman ni Police Director Jose Maria Victor Ramos, chief ng Logistics and Programs Division ng PNP, na nagkakahalaga ng P800,000 kada isa ang biniling drone.

Sa ngayon, tatanggapin na lamang ito ng Committee on Inspection and Acceptance ng PNP bago ipamigay sa mga police unit. R. SARMIENTO

Comments are closed.