INIHAYAG ni Palayan City Mayor Rianne Cuevas na naghihintay ngayon ang libo-libong trabaho sa mga taga-Novo Ecijanos dahil sa ginagawang recruitment ng Sutherland Global Services (SGS), na kasalukuyang tenant ng BPO 1 building sa Palayan City Business Hub (PCBH).
Ayon kay Mayor Cuaevas, sa ngayon ang SGS ay nag-o-operate sa ground floor at second floor ng BPO1 Bldg sa PCBH. Ang ground floor ay nagsisilbing SGS recruitment, training at amenities center habang ang second floor naman ang first production floor na may 350 seats na nakapag-hire na ng tinatayang 600 call center agents.
Sinimulan na rin ng SGS ang ‘fitout works’ para sa 3rd at 4th floor ng nasabing gusali at magkakaroon ito ng total seat capacity na mula 700 hanggang 750 seats.
Inaasahan ng alkalde, sa sandaling mapuno ang full capacity ng Hub, ay aabot sa 7,000 trabaho ang magiging available para sa mga Palayanos at Novo Ecijanos.
Giit ng alkalde na dapat extensive recruitment at training ang isagawa upang maihanda ang mga kakailanganing ahente para sa naturang call center operations.
Inorganisa na rin Mayor Cuevas ang barangay campaign na pinamumunuan ng PESO office at ng Palayan City Business Hub training team upang matukoy ang mga indibiduwal sa kinakailangang trabaho.
Ang mga naturang aplikante ay isasailalim sa pagsasanay, kasunod ng training requirements para sa call center company, upang matulungan silang mag-qualify para sa job requirement. Ang training period ay inaasahang aabutin ng mula 15 hanggang 21- working days.
Kumuha na rin si Mayor Rianne ng isang foundation na magkakaloob ng daily allowance para sa mga trainees.
Sa kasalukuyan ay mayroong apat na klase ng training na magbubukas sa Marso 15 sa PCBH para lamang sa call center at bawat klase ay mayroong mula 25 hanggang 30-trainees.
Aminado si Mayor Cuevas na hindi makakayanan ng Palayan City lamang na suportahan ang pangangailangan ng Sutherland kaya’t plano niyang makipagpulong sa ilang alkalde sa Nueva Ecija upang ibahagi sa kanila ang recruitment at training program na ipapatupad ng Palayan City.
“We have to give all our youth in Nueva Ecija the opportunity to work in a global company in our own province,” pahayag ng alkalde.
Inaanyayahan din ni Mayor Cuevas ang lahat ng unibersidad at paaralan sa lalawigan sa isang pulong upang talakayin ang naturang job opportunities.
Comments are closed.