NAKATAKDANG ipamahagi ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ang aabot sa 700,000 food boxes sa mga residente bilang ayuda ng gobyerno kaugnay sa nararanasan pa ring pandemya ng bansa.
Ininspeksyon muna ang mga ipapamahaging food boxes na kasalukuyang nakaimbak sa San Andres Sports Complex sa Malate.
Mula pa noong naapektuhan ng COVID-19 pandemic ang bansa, ikinasa na ng lokal na pamahalaang lungsod ang kanilang Food Security Program upang umagapay sa kahirapan ng mga residente at maipaabot ang tulong ng pamahalaan.
Ang Department of Public Service (DPS) ang siyang nakatoka na magdedeliver sa anim na distrito sa Maynila sa food boxes na sinimulan kahapon.
Naglalaman ang bawat food boxes ng tatlong kilong bigas, 16 na canned goods at anim na kape.
Ibibigay naman ito sa kada barangay hall sa Maynila kung saan ang mga opisyal ng barangay ang mangunguna sa pamamahagi sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Ang pamamahagi ng naturang Food Security Program food boxes ay kasunod rin ng pagsisikap ng lokal na pamahalaan ng Maynila para maiwasan ang hawaan ng COVID-19 at ibang variant nito sa bawat Manilenyo at matiyak na mayroong pagkain ang publiko. PAUL ROLDAN