MAHIGIT sa 700,000 drug surrenderers ang lumahok sa idinaos na wellness at recovery programs ng pamahalaan para sa mga sumukong adik sa buong bansa bilang bahagi ng hakbang ng administrasyong Duterte na masolusyunan ang problema ng bansa sa ilegal na droga.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, mula pa noong 2016 ay tuloy-tuloy na ang suporta at rehabilitasyon ng DILG sa mga indibidwal na nalulong sa ilegal na droga upang matulungan silang makapagbagong buhay.
Ayon kay Año, naging matagumpay naman ang mga community-based drug rehabilitation programs at ang Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers sa kampanya kontra illegal drugs.
“Nakikita po natin noong 2017 ay 149,000 lang po ang nag-a-avail ng community-based drug rehabilitation program. By 2021 of second quarter, nakita po natin 783,005 ang nag-avail ng community-based drug rehabilitation program at masasabi natin po ang mga kababayan nating ito ay lubusan na pong gumaling,” anang kalihim.
Sinabi ni Año na noong 2016, mayroon lamang 13 Drug Abuse Treatment Rehabilitation Centers ngunit dinagdagan ito at ginawang 22 sa superbisyon ng Department of Health (DOH).
Aniya, noong taong iyon ay mayroon lamang 10,633 rehab patients ngunit ngayon ay aabot na sa 63,758 ang mga nag-enroll sa mga pasilidad at fully recovered na.
“Kaya pinapatunayan lang po natin na hindi lamang tayo masigasig sa operations against anti- against illegal drugs kundi pati rin po sa pagre-rehabilitate ng ating mga kababayan,” ani Año
Sa mga lalawigan, lungsod at bayan naman hanggang sa mga barangay, sinabi ni Año na mayroon na ring mga functional Anti-Drug Abuse Councils.
Sinabi nito na sa 81 lalawigan, mayroong 22 highly functional, 53 moderately functional at anim na low functional na Anti-Drug Abuse Councils, para sa average na 70.07% na LGU functionality grade.
Pagdating naman sa illegal drug campaign, iniulat ni Año na ang mga anti-narcotics authorities ay nakapagsagawa ng 710 anti-illegal drug operations kung saan 1,025 ang naaresto mula Oktubre 3 hanggang 9.
Sa nasabing din panahon, may 14 na drug suspects ang sumuko at isa ang napatay sa drug bust.
Dagdag pa ng DILG chief, sa isang linggong operasyon, nakakumpiska ang mga awtoridad ng P35,666,243 halaga ng shabu at marijuana na patunay na ang pokus ng kanilang kampanya ay hindi lamang sa suplay kundi maging sa demand sa ilegal na droga. EVELYN GARCIA
Comments are closed.