CAMP CRAME – TINUKOY ni National Police (PNP) Chief, DG Oscar Albayalde ang mga lugar na tinatakan ng election hotspots para sa May 13 polls.
Aniya, 701 na lugar ang itinuturing na election hotspot sa nalalapit na halalan.
Sa naturang bilang, sinabi ni Albayalde na ito ay 42.9 percent ng 1,324 na lungsod at munisipalidad sa bansa.
Sa pagtukoy sa mga lugar, asahan na mababago ang deployment ng mga pulis.
Aabot sa 223 na election hotspots ay color-coded bilang Yellow, 382 ang Orange na mayroong immediate concern at 94 naman ang Red na may grave concern.
Paliwanag ng opisyal, ang mga lugar na kabilang sa Yellow category ay mayroong naganap na election-related incidents, matinding political rivalry at mga lugar na isinailalim sa Commission on Elections (Comelec).
Samantala, ang Orange category ay mga lugar na may seryosong banta ng New People’s Army (NPA), Bangsamoro Islamic Liberation Front (BIFF), Abu Sayyaf Group (ASG) at iba pang mga rebeldeng grupo.
Ang Red category naman ay kombinasyon ng Yellow at Orange criteria.
Ang 27 sa Red areas ay mula sa ARMM, 19 sa Bicol region, tig-pito sa Calabarzon at Western Mindanao, tig-anim sa Mimaropa at Western Visa-yas, lima sa Northern Mindanao, tig-apat sa Soccsksargen at Cordillera, tatlo sa Eastern Visayas, tig-dalawa sa Central Luzon at Davao region at tig-isa naman sa Caraga at Cagayan Valley.
Wala naman aniyang lugar sa National Capital Region (NCR) at Ilocos region na kabilang sa Red category.
Kasunod nito, tiniyak ni Albayalde na mananatili ang aksiyon ng PNP para maging mapayapa at maayos ang halalan sa Mayo. AIMEE ANOC
Comments are closed.