UMABOT sa 708 katao ang naitala ng Department of Health (DOH) na nasawi dahil sa dengue sa unang siyam na buwan lamang ng kasalukuyang taon.
Sa kanilang Dengue Surveillance report, iniulat ng DOH na ang naturang bilang ay mas mataas ng 127 kaso kumpara sa 581 dengue deaths lamang na naitala sa bansa noong nakaraang taon.
Kasama ang naturang dengue deaths sa 138,444 kabuuang bilang ng bagong dengue cases na naitala ng DOH mula Enero 1 hanggang Oktubre 6, 2018 lamang.
Mas mataas din ang naturang bilang ng mga bagong kaso ng sakit ng 21 porsiyento o 23,566 kaso mula sa 114,878 dengue cases na naitala nila sa kahalintulad na petsa noong taong 2017.
Ayon sa DOH, ang Central Luzon ang nakapagtala ng pinakamaraming dengue cases na umabot sa 22,077; kasunod ang National Capital Region (NCR) na may 18,831 kaso; Calabarzon na may 16,177 dengue cases; Ilocos region na may 11,109 kaso ng dengue at ang Western Visayas na may 11,036 kaso.
Sa NCR naman naitala ng DOH ang pinakamaraming bilang ng mga pasyenteng nasawi sa sakit, na umabot sa 106; sumunod ang Calabarzon na may 98 dengue deaths; Western Visayas na may 69 dengue deaths, Central Luzon na nakapagtala ng 61 deaths at Northern Mindanao na may 53 dengue deaths.
Nabatid na pinakamarami namang dinapuan ng sakit ang 10-14 years age group, na umabot ng 22 porsiyento o 29,874 ng kabuuang bilang ng dengue cases, habang ang majority o karamihan sa mga biktima na dinapuan ng dengue ay mga lalaki naman na umabot sa mahigit kalahati o 73,017 kaso, habang 65,427 o 47 porsiyento ay mga babae.
Ayon sa DOH, inaasahan na nila na madaragdagan pa ang mga naturang bilang bago matapos ang taon kaya’t patuloy ang pagpapayo nito sa publiko na maging maingat at umiwas sa kagat ng lamok.
Pinaalalahanan pa ng DOH ang publiko na kaagad na kumonsulta sa doktor kung umabot na sa tatlong araw ang pagkakaroon ng mataas na lagnat ng pasyente at kung nakitaan na ito ng mga sintomas ng dengue upang ito ay maagapan. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.