70K LATA NG SARDINAS BUMUHOS SA VALENZUELA

Tallest Tin Can Structure

IPAPAMAHAGI sa mga pamilyang Valenzuelano ang higit 70 libong lata ng sardinas na ginamit sa Mega Christmas tree ng Mega Global Corporation na kinilalang Tallest Tin Can Structure ng Guinness World Records kamakailan.

Ang mga nasabing pamilya ay mapapabilang sa mga benepisyaryo ng corporate social responsibility (CSR) project ng Mega Global Corporation na naglalayong mapakain ang 100,000 pamilya sa buong bansa hangggang sa pagtatapos ng taong 2020.

Sa ilalim ng nasabing proyekto, ang mga pamilyang pinakamatinding  tinamaan ng COVID-19 pandemic ang bibiyayaan ng Mega Sardines products.

Ang mga nasabing ipamamahaging regalo ay manggagaling sa 5.905-metro o higit 19 talampakang “Christmas tree” na itinayo sa Mega Global Distribution Center sa Barangay Viente Reales, Valenzuela City na gawa sa 70,638 pula at berdeng lata ng Mega Sardines na sinimulang buuin noong  Nobyembre 18 at natapos eksakto para sa National Sardines Day noong Nobyembre 24.

Inilunsad din sa nasabing araw  ang “Mega Bigay Sustansiya sa Pasko”  na binalak ng Mega Global Corporation na magbigay ng mainit na pagkain sa mga pamilyang apektado ng COVID outbreak ngunit nagbago ang plano para matulungan din ang mga pamil­yang tinamaan naman ng magkakasunod na mga bagyo.

Kaugnay nito, pinuri ni Mayor Rex Gatchalian ang Mega Global Corporation.

“Proud ang Valenzuela City sa Mega Sardines at mas proud kami na maging partner ng Mega Sardines, para makatulong sa ating mga kapwa Valenzuelano,” aniya.

Ipagkakaloob ang mga sardines product sa pamahalaang lungsod sa Disyembre 20. EVELYN GARCIA

Comments are closed.