DINUMOG ng libo-libo katao ang ipinamigay na libreng pandesal mula sa Kamuning Bakery sa lungsod ng Quezon bilang bahagi ng pakikiisa sa World Bread Day.
May 70,000 pirasong pandesal ang ipinamigay ng may-ari ng 79-anyos na Kamuning Bakery Cafe na si Wilson Lee Flores.
Tinawag niyang World Pandesal Day ang aktibidad na isinabay sa pagdiriwang din ng World Bread Day.
Maaga pa lamang ay pumila na ang mga suki ng bakery na karamihan ay mga kababaihan bitbit ang kanilang mga supling.
Ayon kay Flores, apat na taon na niyang ginagawa ang pamumudmod ng libreng pandesal at iba pang pagkain bilang pamamahagi ng mga blessing o biyayang tinamo nito sa isang taon.
“Sa loob ng 365 araw sa isang taon, inilaan namin ang isang araw para mamigay ng libreng pandesal bilang pasasalamat sa mga tao at sa mga kostumer natin,” pahayag nito sa panayam ng PILIPINO Mirror.
Bagama’t isang Chinese ay ipinakita ni Flores ang pagmamahal sa mga Filipino dahil ang layunin ng pamamahagi ng libreng tinapay sa isang araw ay upang patuloy na maipakilala ang pandesal bilang isang paboritong tinapay at almusal ng mga Pinoy.
Isinagawa ang aktibidad sa nasunog na gusali ng Kamuning Bakery and Cafe na tinupok ng apoy noong Pebrero 6 ng taong kasalukuyan.
Sa darating na Linggo ay idaraos naman sa lugar ang dental at medical mission na proyekto rin ni G. Flores.
Comments are closed.