LIBO-LIBO katao ang nabiyayaan ng libreng pandesal kahapon sa pagdiriwang ng ika-5 World Pandesal Day na ginanap sa Kamuning Bakery sa lungsod ng Quezon.
Umaga pa lamang ay nakapila na ang mga suki ng nasabing bakery, ang ilan ay nagmula pa sa Sta. Mesa, Manila at dumayo upang makakuha ng libreng pandesal.
Ayon sa Filipino-Chinese na si Wilson Lee, may-ari ng Kamuning Bakery, ito ang ikalimang taon na ipinagdiriwang ang World Pandesal Day na ang layunin ay upang lalo pang makilala ang pandesal na gawang Pinoy.
Lahat ng gawang pandesal sa nasabing panaderya kahapon ay ipinamigay sa mga tao at maging sa mga nagdaraang jeepney driver at motorist at hindi na nagbenta pa ng ibang tinapay rito.
Bahagi rin ang pagdiriwang ng World Food Day na naglalayong pawiin ang kagutuman.
Sinabi ni G. Lee na ang pamamahaging ito ng pandesal ay bilang pagbabalik ng biyayang natamo nito sa loob ng isang taon. SCA
Comments are closed.