71M PASAHERO NAKINABANG SA LIBRENG SAKAY

MAHIGIT 71 milyong mananakay ang naserbisyuhan sa ‘Libreng Sakay’ ng public utility vehicles (PUVs) sa ilalim ng nationwide service contracting program ng gobyerno.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), pumalo sa kabuuang 71, 222, 260 commuters ang nakinabang sa naturang programa hanggang nitong Hunyo 20.

Una nang sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na hanggang Hunyo 30 na lamang ang Libreng Sakay Program, kasabay ng huling araw ng administrasyong Duterte.

Sinimulan ng EDSA Busway Carousel noong Abril 11 ang pagkakaloob ng libreng sakay sa ilalim ng third phase ng service contracting program ng DOTr.

Sa ilalim ng service contracting program, ang PUV operators at drivers na lalahok sa free ridership program ng pamahalaan ay tatanggap ng one-time payout at weekly payments base sa bilang ng kilometro na kanilang ibiniyahe kada linggo, may pasahero man sila o wala.

Ang mga ruta para sa free ride program sa PUVs, tulad ng modern at traditional jeepneys, UV Express, at buses, ay pinalawak sa buong bansa noong Abril.